Ano ang NDIS?
Ang Pamamaraan sa Pambansang Seguro para sa May Kapansanan (National Disability Insurance Scheme, na tinatawag ding ang NDIS) ay isang paraan ng pagbibigay ng suporta para sa mga mamamayan ng Australia na may kapansanan, sa kanilang mga pamilya at tagapag-alaga.
Maaaring magbigay ang NDIS ng pondo, impormasyon, at suporta para matulungan ang mga taong may kapansanan na maabot ang kanilang mga layunin. Maaaring kabilang sa mga layunin ang mga bagay tulad ng higit na kakayahang nagsasarili, pakikibahagi sa komunidad, pagkakaroon ng trabaho, at mas maayos na pamumuhay. Bilang pamamaraan sa seguro, nagsasagawa ang NDIS ng panghabambuhay na diskarte, kung saan maagang tinutugunan ang mga taong may kapansanan para mabigyan sila ng mas maayos na buhay sa paglipas ng panahon. Nagbibigay rin ang NDIS sa mga taong may kapansanan at sa kanilang mga pamilya at tagapag-alaga ng impormasyon at mga rekomendasyon sa mga kasalukuyang serbisyo ng suporta sa komunidad.
Paano magagawa ng NDIS na tulungan ako at ang aking anak?
Napakamahalaga ang mga unang taon ng iyong anak dahil dito nagsisimula ang kanyang pagkatuto at pag-unlad sa mga susunod na kabanata ng kanyang buhay. Makakatulong sa iyo ang maagang pagbibigay ng suporta at makakapagbigay ito sa anak mo ng malaking pagkakataon sa pag-abot ng kanyang pinakamahusay na kakayahan.
Nakipagtulungan ang Ahensya sa Pambansang Seguro para sa May Kapansanan (National Disability Insurance Agency o NDIA) sa iba't ibang nangungunang propesyonal at mananaliksik ng maagang pamamagitan habang bata pa sa Australia para buuin ang diskarte sa maagang pamamagitan habang bata pa (early childhood early intervention o ECEI) ng NDIS. Idinisenyo ang diskarteng ito para matukoy ang uri at antas ng suporta sa maagang pamamagitan na kailangan ng iyong anak para makamit niya ang pinakamainam na resulta. Napakamahalaga ng maagang pamamagitan sa mga unang taon para makamit ang pinakamainam na mga resulta para sa iyong anak.
Kwalipikado ba ang aking anak para sa NDIS?
Magiging kwalipikado ang iyong anak para sa NDIS kung:
- nasa edad 0-6 taong gulang siya;
- mamamayan siya ng Australia o mayroon siyang permanenteng visa o Protected Special Category visa;
- nakumpirmang mayroon siyang mga audiological na mga resultang tumutugma sa auditory neuropathy o kawalan ng pandinig na ≥ 25 decibel sa alinmang tainga sa 2 o higit pang mga adjacent frequency, na malaki ang posibilidad na maging permanente o pangmatagalan;
- at kinakailangan ang paggamit ng personal na amplification dahil sa kawalan ng pandinig ng tao.
Paano ako makakakuha ng NDIS?
Matutulungan ka ng Australian Hearing na mag-apply para makakuha ng NDIS sa una mong appointment o maaari mo itong gawin sa ibang pagkakataong angkop sa iyo sa pamamagitan ng pagtawag sa 1800 800 110 o pagbisita sa isang tanggapan ng NDIS. Ikaw ang magpapasya. Gayunpaman, makakatulong ang pagpopondo ng NDIS sa iyong anak na mas mabilis na matanggap ang kanyang mga suporta sa maagang pamamagitan.
Ano ang susunod na mangyayari?
Kung papahintulutan mo, ipapasa ng Australian Hearing ang patunay ng kawalan ng pandinig ng iyong anak sa NDIA at makakatanggap ka ng nakasulat na kumpirmasyon sa pagkakaroon ng access sa NDIS ang anak mo pagkalipas ng ilang araw.
Kapag nagkaroon na nito ang iyong anak, magiging kalahok na siya sa NDIS, at makikipag-ugnayan sa iyo ang isang espesyalistang tagaplano ng NDIS sa loob ng dalawang linggo para bigyan ka ng tulong sa pagbuo sa unang plano sa NDIS ng anak mo. Kabilang sa planong ito ang makatuwiran at kinakailangang antas ng pagpopondo para sa mga suporta sa maagang pagmamagitan at kapag naaprubahan, magagamit mo kaagad ang pondong ito sa mga pipiliin mong tagapagbigay (provider) ng maagang pamamagitan.
Sa una mong appointment, sasabihin din sa iyo ng Australian Hearing ang tungkol sa Partner sa Maagang Pamamagitan Habang Bata Pa (ECEI) ng NDIS sa iyong lokal na lugar. Ang iyong ECEI Partner ang makakaugnayan mo sa NDIS kapag nagkaroon ka na ng plano sa NDIS. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa iyong plano sa NDIS o kung kailangan mo pa ng payo, maaari kang makipag-usap sa kanya. Makikipag-ugnayan sa iyo ang ECEI Partner mo sa loob ng apat na linggo mula sa petsa kung kailan naaprubahan ang iyong plano para kumustahin ang mga bagay-bagay.
Talahuluganan (Glossary)
Maagang Pamamagitan Habang Bata Pa (Early Childhood Early Intervention o ECEI
Nagbibigay ng suporta sa maagang yugto ng buhay para mabawasan ang mga epekto ng kapansanan at para mapahusay ang kakayahan sa pagganap ng buhay.
Partner sa Maagang Pamamagitan Habang Bata Pa (Early Childhood Early Intervention o ECEI)
Mga lokal na organisasyong nakikipagtulungan sa NDIA para tulungan ang mga kalahok at ang kanilang mga pamilya at tagapag-alaga sa paggamit ng NDIS at iba pang suporta sa lokal na komunidad.
Tagapagbigay ng Maagang Pamamagitan
Isang negosyong nagbibigay ng mga espesyal at batay sa patunay na suporta sa maagang pamamagitan para tulungan ang mga kalahok na maabot ang mga layunin sa kanilang plano sa NDIS. Maaaring piliin ng mga kalahok ang kanilang mga provider at maaari silang magpalit ng mga tagapagbigay (provider) anumang oras. Tinatawag din itong pagpapasya at pagkontrol.
NDIA
National Disability Insurance Agency o Ahensya sa Pambansang Seguro para sa May Kapansanan. Ang organisasyon ng pamahalaang Komonwelt na nangangasiwa sa NDIS.
NDIS
National Disability Insurance Scheme o Pamamaraan sa Pambansang Seguro para sa May Kapansanan. Isang bagong paraan ng pagbibigay ng suporta para sa mga mamamayan ng Australia na may kapansanan, sa kanilang mga pamilya at tagapag-alaga.
NDIS Pathway
Ang karanasan ng isang taong may kapansanan sa NDIS mula sa pagkakaroon niya ng access hanggang sa paggamit niya ng kanilang plano.